Home > Teacher Series - Teacher Stories > “Hinga Lang” (Just Breathe)

“Hinga Lang” (Just Breathe)

Nung unang linggo pa lamang, napansin ko na kung gaano kabilis magalit, mag-away, magsuntukan at umiyak ang mga estudyante namin. Pagkalipas ng isang linggo ng pagkausap sa bawat estudyanteng umiyak, nakipagaway, nanuntok at nanakit, nagdesisyon akong kausapin ang aking buong klase isang umaga.

Tinuruan ko silang huminga.

Ikinuwento ko na minsan narin akong nakaranas na maging pikon, palaaway at madaling umiyak. (“Oo umiiyak din si Teacher dati.”) Ikinuwento ko kung paano ko nagawang magbago at nag-umpisa iyon sa isang munting paghinga.

Pinapikit ko ang kanilang mga mata. Sabi ko “Sa oras na mararamdaman mo na magagalit ka na, na tutulo na ang luha mo o na gusto mo na suntukin ang kaklase mo, ipikit mo ang iyong mga mata.” 

Pumikit ang mga bata.

Sabi ko: “Huminga ka ng malalim. Sabihin mo sa iyong sarili na “Hindi ako magagalit.” Sabihin mo ng sampung beses. Huminga ka ng sampung beses.”

Huminga ang mga bata at binulong nila sa sarili nila paulit-ulit na “hindi ako magagalit.”

“Buksan niyo na ang inyong mata at ngumiti.” 

Dumilat sila at ngumiti. Iyon na siguro ang unang pagkakataon na nakita kong nakangiti ang lahat ng aking estudyante.

Hindi naging madali at mabilis ang pagbabago. Mayroon paring nag-aaway, nagkakapikunan, pero napansin ko na bumabawas na ito kumpara sa dati. Ngayon, makalipas ang dalawang buwan, ay bihira na ang balitang may nag-away sa mga estudyante ko.

Noong nakaraang biyernes, may lumapit sa aking estudyante at nagsumbong: “Natapon po ang pagkain ni Ben.” Pumasok sa isip ko na nangyari na ito dati, at nung panahon na iyon ay nagwala at umiyak si Ben.

Ngunit pagpasok ko ng aming silid-aralan ay napansin ko na tahimik lamang si Ben at tinutulungan pa niyang linisin ang natapong pagkain. Walang bakas ng luha o galit sa kanyang mukha. 

Lumapit ako at tinanong si Ben: “Okay ka lang ba?”

Sabi ni Ben: “Okay lang sir!”

Sabi ko: “Mabuti hindi ka umiyak.”

Sabi ni Ben: “Hinga lang sir.”

Nagulat ako sa sinabi niya at napangiti. Nagawa niya. Yung batang dati ay laging umiiyak, nagagalit at napipikon ay marunong na huminga at pigilan ang kanyang galit at luha.

Doon ko rin naisip na kahit ako rin bilang guro kailangan kong huminga. Kailangan kong huminga sa tuwing kumukulit ang mga bata, kailangan kong huminga sa tuwing nararamdaman ko na ang pagod, kailangan kong huminga sa tuwing may mangyayaring bagay na hindi kanais-nais o di inaasahan.

Kung mayroon man akong maipagmamalaking, isa na si Ben sa mga batang ito. Minsan kong naituro sa kanyang huminga. Nagawa niya. At higit doon, siya pa ang nagpaalala sa akin, sa kanyang sariling guro, kung paano huminga.

Hinga lang.

About these ads
  1. No comments yet.
  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 2,441 other followers

%d bloggers like this: