Home > Teacher Series - Teacher Stories > Para kay ‘Cher

Para kay ‘Cher

Ito ay isang liham na aking isinulat pagkatapos ng unang linggo ng pagtuturo sa pampublikong paaralan. Ito ay liham para sa aking mga kasama na nagtuturo din ng Grade 3 sa iba’t ibang paaralan.

 

Isang linggo na tayo nagtuturo. Pasensya na kung mahaba at medyo emo/cheesy ito. Gusto ko lamang ilabas at ipamahagi ang mga tumatakbo sa isip ko sa tuwing naiisip, nakikita at nakakausap ko kayong lahat. Kaya sinulatan ko kayo ng liham.❤

 

June 12, 2013

 

Dear ‘Cher,

 

Sa totoo lang ay hindi ko alam kung paano ito uumpisahan. Naisip ko lamang na sulatan ka kasi ramdam ko ang bigat ng mundo na iyong pinapasan at naiintindihan ko ang hirap na iyong pinagdaraanan.

 

Sa pitong araw na tayo ay nagturo sa pampublikong paaralan, nagawa na nating magalit, mainis, umiyak, sumigaw at gumawa ng kung anu-ano pang pamamaraan mapasunod at mapatahimik lamang ang ating mga estudyanteng malikot, magulo at nakababaliw. Sa loob ng pitong araw, nakita na natin ang suntukan, sigawan, iyakan, hampasan, nakawan at kung ano pang kalokohan na ginagawa at naiisip ng ating mga estudyante. Sa loob ng pitong araw, naranasan narin natin ang kakaibang klase ng pagod – yung tipong babagsak na lamang tayo sa kama pag-uwi kahit gustong-gusto pa natin gumawa ng visuals at maghanda ng lesson plan. Yung tipong nakakatulog tayo habang nagmamaneho ng sasakyan, nakatulog sa jeep, bus at taxi. Pagod kung pagod talaga. Sa loob ng pitong araw, malamang sa malamang ay pitong beses lamang din tayo kumain. Gutom kung gutom diba? Pitong araw pa lamang iyon.

 

Marahil ay naisip mo na sumuko at tinanong mo narin siguro sa sarili mo kung ano ba talaga itong pinasok mo? Marahil ay dumaan narin sa isip mo na wala kang kwentang guro at wala kang nagagawang mabuti para sa mga estudyante mo at na wala silang natututunan sa iyo. Marahil ay naisip mo na hindi mo kayang baguhin ang mga batang ito. Marahil ay naisip mo na hindi ito para sa iyo – na hindi ka magaling.

 

Ngunit sa kabila ng lahat ng hirap at pagod, nais kong ipamahagi sa iyo ang mga bagay na iniisip ko sa tuwing nararamdaman ko ang kagustuhan sumuko at umayaw at sa tuwing nararamdaman ko na wala akong nagiging epekto sa aking mga estudyante. Sana kahit papaano makatulong ito sa iyo.

 

Una, iniisip ko na sa nakalipas na mga taon na ang ating mga estudyante ay nasa loob ng sistema ng pampublikong paaralan, nakasanayan na nila na matawag na “bobo”, “walang kwenta” at “tanga.” Nakasanayan na nila na mapalo ng guro, masigawan, ma-pingot, makurot at kung anu-ano pa. Hindi lang yan, kadalasan ay ganito rin ang kanilang hinaharap sa tuwing umuuwi – mga magulang na nag-aaway, nananakit, naghihirap. Kung buong buhay mo nga naman ay  umiikot sa ganitong kapaligiran, hindi ka ba maninibago pag ikaw ay nakakita ng isang guro na handang mag-mahal, na hindi mananakit, na alam mong tuturuan ka kahit anong mangyari? Hindi pa alam ng mga bata natin kung paano harapin ang mga gurong tulad mo. Naninibago pa sila. Intindihin natin sila. Tayo ay pumasok sa sistema at kapaligiran na madaming mali at madaming kulang. Ang mga bata natin? Ito lamang ang kanilang alam. Ito lamang ang kanilang nakasanayan. Unti-unti natin itong babaguhin. Tiwala lang. Kaya mo yan.

 

Pangalawa, tayo ay nasa sistema at organisasyon na madaming pagkukulang at madami pang pwedeng baguhin. Pag ganito, iniisip ko lamang na ang lahat ng sistema ay ginawa ng tao at sa gayon ay kayang-kaya ring baguhin ng tao kung ito ay talagang gugustuhin at pagsisikapan. Tayo ang mag-uumpisa ng pagbabago sa sistema at organisasyon. Hindi nga lamang ito magbabago sa isang kisap-mata. Hindi aayos ang sistema sa isang tumbling lamang. Hindi naman tayo magician. Pumasok tayo upang unti-unting baguhin ang kalagayan ng edukasyon. Kailanman ay hindi sinabi sa atin na aayusin natin ang lahat sa loob ng isang linggo. Kapit lang. Balang araw ay mababago natin at mai-aangat ang kalidad ng edukasyon.

 

Pangatlo, ang pag-ibig ng bata ay hindi natin makukuha sa isang araw o isang linggo. Hindi sila sanay na magkaroon ng gurong tunay na nagmamalasakit at gurong talagang gusto na sila ay magtagumpay. Ngayon lamang siguro sila nakakita ng gurong katulad mo. Bigyan mo sila ng panahon at siguradong mamahalin ka rin nila ng tuluyan at lubusan. Idiin mo sa kanilang puso’t isipan na magaling sila, matalino sila, na kaya nila magtagumpay. Sa loob ng isang taon, subukan nating burahin ang pag-iisip nila na sila ay “bobo”, “walang kwenta” at “tanga” – mga bagay na naririnig nila sa nakalipas na limang taon o higit pa. Kayod lang. Sa bawat masamang salita na kanilang narinig, sabihan natin sila ng sampung magandang salita para mapaniwala sila sa kanilang sariling kakayanan.

 

Huli sa lahat, narito tayo at nag-tuturo hindi para sarili kundi para sa mahigit 2,500 estudyante na ngayon ay hinahawakan nating lahat. Unahin mo sila. Sa ngayon ay hindi pa natin siguro makukuha ang saya na ating inaasam mula sa ating mga estudyante. Kung mayroon man, kaunti at maliit na kasiyahan pa lamang. Pag nakita mo ang mga ito, tanggapin mo ng buo at mag-saya. Pero huwag mo kalimutan na hindi tayo ang bida dito kundi sila – mga bata natin. Bawat araw ay panibagong pagkakataong magmahal ng ating mga bata. Buhos lang. Babalik din sa iyo ang lahat ng kabutihang ibinibigay mo ngayon.

 

Pero ‘cher! Kung kailangan mo talaga ng pampagaan ng loob, nandito kami para sa’yo. Magkwento ka lang at makikinig kami. Umiyak ka lang at yayakapin ka namin. Humingi ka lang ng tulong at ibubuhos namin ang lahat ng aming makakaya. Kung malungkot ka, pasisiyahin ka namin. Isang text lang, isang tawag lang, isang FB post lang. Huwag kang mag-alala – kailanman ay hindi ka magiging mag-isa. Ngiti lang. Andito lang kami.

 

Umpisa pa lamang ito. Mahaba-haba pa ang biyahe. Sakay lang. Aabot din tayo sa ating gustong puntahan.

 

Salamat sa iyo. Salamat na nakilala kita. Kaya natin to. Kapit lang.

 

~ Cher

 

  1. No comments yet.
  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: